Pagkakaisa sa pagboto, inimbentong aral lang ba ng Iglesia Ni Cristo?

Totoong napakalapit na ng eleksyon at totoo rin na ang mga pulitiko ay labis ang pagsisikap ngayon na makuha ang suporta ng mga botante. Ibat ibang paraan ng panunuyo, paninira laban sa kapwa kandidato, panunulsol, pandaraya at krimen, ilan lang Ito sa mga masamang gawain na totoong nangyayari sa panahon ng pamumulitiko. Nakalulungkot lang na isipin na maging ang mga tagasuporta ng bawat kandidato ay kanya kanya din ang bangayan, lalu na sa social media. Bunga ang mga Ito ng pagkakabahabahagi o pagkakaroon ng pagkakampi kampi.
Ito ang hindi dapat makita sa mga tunay lingkod ng Dios. Ang pagboto tuwing eleksyon ay batas ng pamahalaan na dapat sundin ng bawat mamamayan. Ang Iglesia ni Cristo ay sinusunod ang batas tungkol dito ,subalit ginagawa namin Ito ng may pagkakaisa.
2 Pedro 2:13 “Kayo'y pasakop sa bawa't palatuntunan ng tao alangalang sa Panginoon: maging sa hari , na kataastaasan; O sa mga gobernador, na sinugo niya sa panghihiganti sa nagsisigawa ng masama at sa kapurihan ng nagsisigawa ng mabuti.”
Bilang pagsunod sa utos ng Dios na magpasakop tayo sa pamahalaan o gobyerno kaya kami ay bumuboto ngunit kasabay nito ay ang lalung pagsunod namin sa patakaran o kautusan ng Dios na ang lahat ng bagay na aming gagawin ay gawin sa pangalan ng Panginoong Jesucristo sa ikalulugod ng Dios.
Mga Taga-Colosas 3:17
"At anomang inyong ginagawa, sa salita, o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat kayo sa Dios sa pamamagitan niya."
Paano namin naisasagawa ang mga bagay sa pangalan ng Panginoong Jesucristo?
1 Mga Taga-Corinto, 1:10 - Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kayong lahat ay mangagsalita ng isa lamang bagay, at huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabahabahagi; kundi kayo'y mangalubos sa isa lamang pagiisip at isa lamang paghatol."
Lubos na pagkakaisa ng pag iisip at isa lamang paghatol upang huwag magkaroon ng pagkakabahabahagi o pagkakampi-kampi ang mga lingkod ng Dios, sa ganitong paraan ay naisasaalang-alang namin ang pangalan ng ating Panginoong Jesucristo. Ang pagboto ay isang pagpapahayag ng paghatol sa mga kandidato kung sino sa kanila ang nararapat. Kaya po nagkakaisa ang Iglesia maging sa pagboto, upang tuparin ang lubos na pagkakaisa .
“vote – an expression of judgment” [Webster’s New International Dictionary]
Sa Filipino:
“pagboto – isang pagpapahayag ng paghatol”
Kaya upang magkaisa sa paghatol o pagboto ang Iglesia, sino ang dapat magpasiya? Sa panahon ng unang Iglesia, papaano ba sila nagkaisa?
Sa panahon ng Iglesia noong unang siglo, ang mga Cristiano ay sumunod at napasakop sa Namamahala. Ang Tagapamahalang Pangkalahatan noon ay si Apostol Santiango. At ito ay pinatutunayan nang magkaroon noon ng usapin o suliranin sa Iglesia at siya ang nagpasiya.
“At nang matapos na silang magsitahimik, ay sumagot si Santiago, na sinasabi, Mga kapatid, pakinggan ninyo ako: “Dahil dito’y ang hatol ko. ay huwag nating gambalain yaong sa mga Gentil ay nangagbabalik-loob sa Dios.” (Gawa 15:13,19)
Ganito rin ang kasalukuyang Iglesia ni Cristo, lubos na aming pinahahalagahan ang pagkakaisa sa napagpasyahan ng pamamahala sa lahat ng bagay maging sa pagboto sapagkat iniutos ito ng Diyos sa pamamagitan ng mga apostol . Mahalaga ang tungkulin ng pamamahala para sa Iglesia sapagkat sila ang ibinigay ng Dios para ipahayag ang mga salita ng Dios ;
Colossians 1:25 "Na ako'y ginawang ministro nito, ayon sa pamamahala na mula sa Dios na ibinigay sa akin para sa inyo upang maipahayag ang salita ng Dios,"
Kaya nga marapat lang na bawat isang kaanib sa Iglesia Ni Cristo ay lubos na magpasakop sa namamahala sapagkat sila ang may pananagutan sa harap ng Dios na mangalaga para sa ikabubuti ng Iglesia;
Hebrews 13:17(Magandang Balita) "Pasakop kayo at sumunod sa mga namamahala sa inyo. Sila'y may pananagutang mangalaga sa inyo, at mananagot sila sa Diyos ukol diyan. Kung sila'y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin; kung hindi, sila'y mamimighati, at hindi ito makakabuti sa inyo."
Maaaring din naman na ang isang kaanib sa loob ng Iglesia Ni Cristo ay hindi sumunod sa kung ano ang naging pasya ng pamamahala at gawin man nya Ito sa lihim, subalit Hindi sya kailanman makapaglilihim sa Dios, sapagkat nalalaman ng Dios ang lahat ng bagay.
" Sapagka't kung hinahatulan tayo ng ating puso, ang Dios ay lalo dakila kay sa ating puso, at nalalaman niya ang lahat ng mga bagay."
-1 Juan, 3:20
Paano kung ang isang kaanib sa Iglesia ni Cristo ay hindi pa rin sumunod o magpasakop sa Pamamahala sa kabila ng mga payo at paalala sa kanya at sa halip ay nagdudulot pa ng pagkakabahabahagi sa loob ng Iglesia?
1 Mga Taga-Corinto, 5:12-13 - Sapagka't ano sa akin ang humatol sa nangasa labas? Hindi baga kayo nagsisihatol sa nangasa loob? Datapuwa't sa nangasa labas ay Dios ang humahatol. Alisin nga ninyo sa inyo ang masamang tao.
Ang mga masasamang kasama o kaanib ay kailangang itiwalag sa Iglesia upang huwag ng makapagdulot ng pinsala sa loob ng Iglesia sapagkat ang ganitong uri ng tao ay gaya ng ganggrena o isang kanser na kumakalat sa katawan.(2 Timothy 2:17 )
At ang dapat na maging pagtuturing sa kanila ay gaya ng sinasabi ng banal na kasulatan;
2 Juan, 1:10 -11 - Kung sa inyo'y dumating ang sinoman, at hindi dala ang aral na ito, ay huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, at huwag ninyo siyang batiin; sapagka't ang bumabati sa kaniya ay nararamay sa kaniyang masasamang gawa."
Itinuturo ng mga apostol na iwasan at alisin ang mga masasamang kasama sa loob ng Iglesia. Kaya hindi po isang bagong bagay ang pagtitiwalag sa loob ng Iglesia ni Cristo, sapagkat aral din ito na nakasulat sa Bibliya.
Totoo din ba na inaalisan ng kalayaan ang mga Iglesia Ni Cristo sa tuwing kami nagkakaisa sa pagboto?
Sino ba ang mga tunay na malaya ayon na rin sa bibliya?
[Gal.5:1, Ang Bagong Ang Biblia]
" Para sa kalayaan ay pinalaya tayo ni Cristo; kaya't magpakatatag kayo, at huwag na kayong pasakop na muli sa pamatok ng pagkaalipin. "
Ang mga tunay na malaya ay ang mga pinalaya ng ating panginoong Jesucristo mula sa pagkaalipin. Anong pagkaalipin ba ang tinutukoy ng bibliya?
"Sinagot sila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't nagkakasala ay alipin ng kasalanan." [Juan 8:34]
Samakatwid ang pagkaalipin na tinutukoy ng ating panginoong Jesucristo ay pagkaalipin sa kasalanan at walang sinumang tao ang makakaiwas dito sapagkat lahat ng tao ay nagkasala ayon na rin sa bibliya (Roma 5:12).
Tunay na walang kalayaan ang taong alipin sa kasalanan o nagpapakabuyo sa kalayawan. Kaawa-awa ang kalagayan ng ganitong tao, sapagkat kung ilarawan ng mga apostol ay " bagamat buhay ay patay " [1 Tim.5:6]. Sentensyado na siya sa kaparusahan sa dagat-dagatang apoy. Ganito kung ilarawan ng Biblia ang kalagayan ng mga tao na ginagawa ang lahat ng maibigan nila kahit na ito ay labag sa kalooban ng Diyos at tiniyak din ito ng mga apostol:
" Sapagka't nang kayo ay mga alipin ng kasalanan, kayo'y laya tungkol sa katuwiran. Ano nga ang ibinunga ninyo sa panahong yaon sa mga bagay na ngayo'y ikinahihiya ninyo? sapagka't ang wakas ng mga bagay na yaon ay kamatayan. " [Roma 6:20-21]
Ang kamatayan na tinutukoy sa talata ay hindi ang pagkalagot ng hininga kundi ang ikalawang kamatayan sa dagat dagatang apoy sa araw ng paghuhukom;
Revelation 21:8 -
"Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan."
Napakalinaw ng pahayag ng Biblia na ang mga pinalaya ng ating Panginoong Jesucristo ang siyang TUNAY NA MALAYA sapagkat sila ang pinatawad sa kanilang mga kasalanan at hindi na sila ibibilang sa mga paruruhasan sa dagat-dagatang apoy na siyang ikalawang kamatayan .
Ang kapatawaran ng kasalanan na magpapalaya sa tao sa parusang WALANG HANGGAN ay makakamtan sa pamamagitan ng pagkabuhos ng dugo at maliban dito'y walang kapatawaran:
Hebreo 9:22-
" At ayon sa kautusan, ay halos masasabi kong lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at MALIBAN NA SA PAGKABUHOS NG DUGO AY WALANG KAPATAWARAN. "
Subalit sa paniniwala ng marami ang lahat ng tao ay tinubos na ng dugo ng ating panginoong Jesus ng siya ay ipako sa krus at mamatay;
1 Timoteo 2:6-
“NA IBINIGAY ANG KANIYANG SARILI NA PANGTUBOS SA LAHAT; na pagpapatotoong mahahayag sa sariling kapanahunan;”
Wala sinuman ang maaring tumutol sa pahayag ng kasulatan na ibinigay ni Cristo ang kanyang sarili para sa lahat, subalit kaakibat ng ginawang pagtubos ni Cristo sa ating lahat ay mayroon siyang ipinagagawa sa atin upang lubos nating pakinabangan ang katubusan ng ating mga kasalanan;
Juan, 10:7;9 -(Revised English Bible, isinalin mula sa Ingles)
" Muli ngang sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng mga tupa. Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas ..."
Sinumang pumasok sa Kawan sa pamamagitan ni Cristo ay maliligtas, sa salitang sinuman ay walang pinipili samakatwid ay lahat ng gustong maligtas ay inuutusang pumasok sa kawan. Alin ang kawan na ito ang dapat pasukan ng lahat ng taong gustong maligtas?
Gawa 20:28 -
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo upang maging mga katiwala, upang pakanin ang Iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” [isinalin mula sa Lamsa Translation]
Kaya marapat na pumasok ang tao sa Iglesia ni Cristo sapagkat tanging sa Iglesia lamang makakamtan ang tunay at dakilang kalaayan sapagkat ito ang Iglesiang tinubos ng mahalagang dugo ng ating panginoong Jesucristo.
At upang manatili sa kalayaang kaloob ng ating Panginoong Jesucristo ay ganito ang ipinapayo ng mga apostol;
[Gal.5:1, Ang Bagong Ang Biblia]
" Para sa kalayaan ay PINALAYA TAYO NI CRISTO; kaya't magpakatatag kayo AT HUWAG PASAKOP NA MULI SA PAMATOK NG PAGKAALIPIN. "
Kailangang huwag na muling magpasakop sa pagkaalipin ng kasalanan at katumbas nito ay ang lubos na pagbabagong buhay ng isang kaanib sa Iglesia ni Cristo at kanyang sikaping panghawakang matatag ang katwiran o katotohanan na kanyang tinanggap na Ito rin ang mga salita ng Diyos;
John 17:17 "Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo'y katotohanan."
Ang pagkakaisa maging sa pagboto ay isa lamang sa mga aral ng Dios na aming sinasampalatayanan upang mapanatili ang lubos na pagkakaisa
sa loob ng Iglesia Ni Cristo.
Maaring kalabisan o kalugihan sa paningin ng ilan ang pagsunod sa mga kautusan ng Dios, inaalis daw kasi nito ang kalayaan ng isang taong magdesisyon para sa kanyang sarili o kapakanan, subalit para sa mga tunay na lingkod ng Dios Ang mga bagay na sa ilan ay pakinabang ay inaari nilang kalugihan tulad ng lingkod na si apostol Pablo.
"Gayon man ang mga bagay na sa akin ay pakinabang, ay inari kong kalugihan, alangalang kay Cristo.
[8]Oo nga, at lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan dahil sa dakilang kagalingan ng pagkakilala kay Cristo Jesus na Panginoon ko: na alangalang sa kaniya'y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng mga bagay, at inari kong sukal lamang, upang tamuhin ko si Cristo"
—Mga Taga-Filipos 3:7-8—
" AT LALAKAD AKO SA KALAYAAN; sapagka't aking hinanap ang iyong mga TUNTUNIN."
–Awit 119:45–
Ito ay hindi isang kalugihan kundi ay ikapagtatamo ng pangakong buhay na walang hanggan.
"Ang magpaalipin sa katuwiran o kalooban ng Diyos ay hindi isang kaapihan o kalugihan. Sa halip, ito ang ikakabanal ng tao at ikapagkakaroon niya ng buhay na walang hanggan"
[Roma 6:22- NPV].
"Datapuwa't ngayong mga laya na kayo sa kasalanan at naging mga alipin ng Dios, kayo ay mayroong inyong bunga sa ikababanal, at ang wakas ay ang buhay na walang hanggan."
......