Sunday, November 22, 2015

Ang Tamang Pagkilala sa Dios at kay Jesus










Ang Iglesia ni Cristo ay lubos na sumasampalataya sa pagtuturo ng panginoong Jesucristo at ng mga apostol na ang Ama, ang dakilang manlalalang at iisang tunay na Dios.(John 17:1,3; 1 Cor.8:6)

At lubos rin ang aming pagkilala sa panginoong Jesucristo bilang anak ng Diyos. Ang Diyos ay ginawa siyang panginoon at tagapagligtas. Siya ang tanging tagapamagitan sa tao at sa ating panginoong Diyos. Si Cristo ay pinadakila, pinaging banal at ipinag utos ng Dios na siya ay sambahin din, kaya po kaming mga Iglesia ni Cristo ay  sumasamba sa ating panginoong Jesucristo, Hindi dahil siya ay Dios kundi iniutos rin ito para sa ikaluluwalhati ng Dios.(Matt.3:17; Acts 2:36; 5:31; 1 Tim. 2:5; John 10:36; 8:40; Acts 2:22; Fil. 2:9-11)

Subalit sa kabila ng mga katotohanang ito ng Banal na kasulatan ay may ilan pa rin na hindi tinatanggap ang aral na ito ng Iglesia sapagkat ang kanilang pinaka aral, si Cristo ay parehong Diyos at tao o si Cristo ang Diyos. Ang mga taong sumasamplataya sa ganitong paniniwala ay gumagamit din ng mga talata sa banal na kasulatan. Kaya atin po tukuyin ang kanilang mga talatang ginagamit at ginagawang basehan sa kanilang paniniwala.

Ang isa sa mga talatang ito ay nakasulat sa Juan 1:1; 14

Juan 1:1 "Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios. Juan 1:14 At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan.

Paano po ba ang kanilang pag-unawa dito? Ayon sa kanila ang Panginoong Jesucristo ay umiiral na sa pasimula o bago pa lalangin ang sanlibutan. Yayamang si Cristo raw ang salita at ang salita raw ay Diyos, Kaya si Cristo raw ay Diyos na umiiral na sa pasimula pa lamang at pagkatapos ay nagkatawang tao. Ito ang nakapalaoob sa aral nila na Inkarnasyon o pagkakatawang tao ng Diyos.

Ano  po ang dapat nating mapansin sa nilalaman ng juan 1:1 at 14? Una , hindi po tahasang tinukoy ng  talata na si Cristo ang Diyos at ikalawa wala ring sinabi dito na si Cristo ay Diyos na nagkatawang tao. At kung ating sasang -ayunan ang  kanilang pagkaunawa sa talata,  lilitaw na sasalungat ito sa iba pang aral na nakasulat sa Bibliya sapagkat yung tinutukoy sa ikalawang sugnay na ang Verbo o Salita ay sumasa Dios at ayon daw sa Ikatlong sugnay ang salita ay ang Dios , samakatwid magkakaroon ng dalawang Dios, isang Dios na sumasa Dios. Subalit ito ay labag na sa itinuturo ng Bibliya sapagkat isa lamang ang tunay na Dios.

Kung ang Dios mismo ang ating tatanungin sino at ilan ang Dios na kanyang ipinakikilala?

Isaias, 43:10 - Kayo'y aking mga saksi, sabi ng Panginoon, at aking lingkod na aking pinili: upang inyong maalaman at magsisampalataya kayo sa akin, at inyong matalastas na ako nga; walang Dios na inanyuan na una sa akin, o magkakaroon man pagkatapos ko.

Isaias, 44:8 - Kayo'y huwag mangatakot, o magsipangilabot man: hindi ko baga ipinahayag sa iyo nang una, at ipinakilala? at kayo ang aking mga saksi. May Dios baga liban sa akin? oo, walang malaking Bato; ako'y walang nakikilalang iba.

Isa lang ang tunay na Dios at hindi na magkakaroon pa ng ibang Dios ayon na rin mismo sa ating panginoong Dios. Kaya tanungin natin kung sino rin ang Dios na itinuro ng mga unang lingkod ng Dios?

Malakias, 2:10 -" Wala baga tayong lahat na isang ama? hindi baga isang Dios ang lumalang sa atin? bakit tayo nagsisigawa ng paglililo bawa't isa laban sa kaniyang kapatid, na nilalapastangan ang tipan ng ating mga magulang?"

1 Corinto 8:5-6 “Sapagka't bagama't mayroong mga tinatawag na mga dios, maging sa langit o maging sa lupa; gaya nang may maraming mga dios at maraming mga panginoon; Nguni't sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa pamamagitan niya.”

Juan, 17:1;3 - "Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak. At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo."

Pansinin po natin ang lahat ng mga talata ay mula pa sa pahayag ng Ating Panginoong Dios , mga propeta, mga apostol, at ng ating Panginoong Jesucristo, lahat ay magkakatulad ang aral o turo kahit pa ito ay mula sa magkakaibang panahon sapagkat sa Bibliya po ay walang salungatan.

Kaya po suriin nating maiigi ang talata sa pamamagitan ng pagsangguni sa iba pang talata ng banal na kasulatan upang huwag tayong magkamali sa pag unawa nito, sapagkat hindi marapat na unawin natin ang mga kasulatan sa sarili nating pagka unawa lamang sapagkat ang evanghelio o mga salita ng Diyos na nakasulat sa BIbliya ay nakalihim sa Hiwaga;

Mga Taga-Roma, 16:25 - At ngayon sa kaniya na makapangyarihan na sa inyo'y makapagpapatibay ayon sa aking evangelio at sa pangangaral ni Jesucristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na natago sa katahimikan nang panahong walang hanggan.

Kaya ang ilan ay binibigyan ng maling pakahulugan ang mga kasulatan at ayon sa bibliya ay ikapapahamak ng kanilang sarili;

2 Pedro 3:16 “Sa lahat ng sulat niya tungkol sa paksang ito, ganito ang lagi
niyang paalala. Kaya lang, ang ilang bahagi sa kanyang mga sulat ay mahirap
unawain, at BINIBIGYAN NG MALING KAHULUGAN ng mga mangmang at magugulo ang pag-iisip . Ganyan din ang kanilang ginagawa sa ibang mga
Kasulatan, kaya nga't ipinapahamak nila ang kanilang sarili.” [ Magandang Balita,
Biblia]

Suriin na po natin ang unang sugnay;

"Nang pasimula siya ang Verbo"

Ito naman po ang pahayag ng Panginoong Jesucristo tungkol sa pasimula ng  sanlibutan;

Juan, 17:24 - Ama, yaong mga ibinigay mo sa akin ay ibig ko kung saan ako naroroon, sila naman ay dumoong kasama ko, upang makita nila ang kaluwalhatian ko, na ibinigay mo sa akin: sapagka't ako'y iyong inibig bago natatag ang sanglibutan.

Ayon sa ating panginoong Jesucristo siya ay inibig na ng Ama bago pa itatag ang sanlibutan o ng pasimula, dito pa lang sa pahayag ng Panginoong Jesucristo ay napakalinaw na iba ang Dios na umibig Kay Cristo o Iba ang Dios kay Cristo, subalit ang tanong ay kung umiiral o existing na ba ang ating Panginoong Jesucristo ng pasimula?

1 Pedro, 1:18 -20  "Na inyong nalalamang kayo'y tinubos hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak o ginto, mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay, na ipinamana sa inyo ng inyong mga magulang; Kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis, sa makatuwid baga'y ang dugo ni Cristo:Na nakilala nga nang una bago itinatag ang sanglibutan, nguni't inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo,"

Ang panginoong Jesucristo ay naihayag sa mga huling araw na. Sa mga hindi po nakakaalam ang panahon ay nahahati sa tatlong Dispensasyon ayon sa Bibliya,  ang una ay ang panahon ng mga magulang o patriyarka mula kay eba at adan hangggang sa panahon ni Moses  , pangalawa ay ang panahon ng mga propeta mula sa panahon ni Moses hanggang sa panahon ng Panginoong Jesucristo at ang ikatatlong diepensasyon ay ang Huling panahon mula sa  panahon ng ating panginoong Jesucristo hanggang sa Katapusan ng sanlibutan

Hebreo, 1:1-2 " Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa ating mga magulang sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta, Ay nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito sa pamamagitan, ng kaniyang Anak, na siyang itinalaga na tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan naman niya'y ginawa ang sanglibutan;"

Samakatwid si Cristo ay itinalaga o isinalita palang ng Dios sa pasimula kaya si Cristo ay salita o nasa isip pa lamang na Dios. Ito rin ay sinasangayunan sa isang salin ng bibliya;

Ang “Ang Bagong Tipan ng Ating Mananakop at Panginoong Jesucristo” (Manila: Catholic Trade School, 1964 isinalin ni P. Juan T. Trinidad, S.J. mula sa Vulgata Latina.

Sa 1 Pedro 1:20:

“Nasa isip na Siya ng Dios bago pa lalangin ang daigdig, ngunit ipinakilala Siya ngayong huling panahon dahil sa inyo.”

subalit hindi po ito nanatili na isipan o plano ng Dios sapagkat dumating ang panahon ng ito ay ipinangako ng Dios sa kanyang mga unang lingkod;

Mga Taga-Roma, 1:2 -3  "Na kaniyang ipinangako nang una sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta sa mga banal na kasulatan, Tungkol sa kaniyang Anak, na ipinanganak sa binhi ni David ayon sa laman,"

Ganito po natin dapat unawain ang unang sugnay na hindi sasalungat sa ibang katuruan ng Bibliya. Tukuyin naman natin ang ikalawang sugnay ;

"at ang Verbo ay sumasa Dios"

Atin po itong iugnay sa unang sugnay kung saan si Cristo ay isinalita o itinalaga sa pasimula at ang salita ay nagmula o sinalita ng Dios. Samakatwid iba po yung salita  dun sa nagsasalita, Si Cristo ang salita na  isinalita ng Dios kaya po ang sabi ay ang salita ay sumasa Dios sapagkat sa Dios nagmula ang salita, sa ganitong pagkaunawa ay hindi tayo sasalungat sa aral ng Bibliya na may isang tunay na Dios lamang na walang iba kundi ang Ama at maging si apostol Juan na sumulat nito  ay hindi naman nya sasalunagtin ang kanyang sarili sapagkat sinasabi sa Juan, 17:1;3 na iisa lamang ang tunay na Dios at ito ay ang Ama at si Cristo ang sinugo.

Ang  ikatlong sugnay:

"at ang Verbo ay Dios."

Dahil atin ng nalaman sa mga naunang sugnay na ang salita ay iba doon sa Dios na nagsalita nito, ano ang dapat na ating maging pag-unawa sa ikatlong sugnay?

Alamin po natin kung ano ang katangian ng salita ng Dios; Ang salita ng Dios ay makapangyarihan;

Lucas 1:37 "Sapagkat walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan."

Ano rin ang katangian o uri ng Panginoong Diyos na nagsalita?

Ganito ang kaniyang patotoo mismo;

Genesis 35:11 " At sinabi sa kaniya ng Dios, ako ang Dios na makapangyarihan sa lahat;...."

Samakatuwid, magkauri ang Diyos at ang kaniyang salita sapagkat taglay ng salita ang kapangyarihan ng Diyos na nagsalita. Kaya naman po sa ibang pagkakasalin ng bibliya ay ganito po ang sinasabi;

("the Logos was Divine" Mofatt Translation; "the word was Divine"-Goodspeed Translation)..

Ang dapat na salin ay  "Ang logos ay banal" Dahil walang pantukoy na ''ang'' (sa Griyego, ho) ang terminong ''diyos'' (sa Griyego, Theos) sa ikatlong sugnay ng Juan 1:1, ito ay ginamit bilang pang-uri (adjective) at hindi bilang pangngalan (noun). Hindi sinabi ni Apostol Juan na "ang salita ay ang Dios'' kundi "ang salita ay Dios". Ang katotohanang ito'y tinatanggap maging ng ibang mga nagsuri.

Sa aklat na The New Bible Dictionary,  ganito ang sinasabi:

"Ang salita ay may kapangyarihang katulad ng sa Diyos na nagsalita nito." (page 703) Kaya, ginamit ang terminong "Diyos" sa ikatlong sugnay ng Juan 1:1 (''at ang salita ay Dios'') hindi bilang isang pangalan (noun) kundi bilang pang-uri (adjective). Inuuri lamang ang salita o verbo ng Diyos. Kauri ng Diyos ang kaniyang salita sa kapangyarihan kaya sinabing ''ang salita ay Diyos'' .

Mabuti pa't tayo ay magbigay ng halimbawa ng mga salitang ginamitan ng pang-uri (adjective).

1. Time is Gold

Sa naturang pangungusap ang salitang ''Gold'' ay isang adjective. Inuri nya ang Time bilang isang mahalagang Bato, na kasing halaga ng Gold. Maliwanag na hindi literal na Gold ang pakahulagan sa naturang pangungusap, ganyan din ang sa ikatlong sugnay na "at Ang salita ay Diyos" Samakatuwid, magkauri ang Diyos at ang kaniyang salita sapagkat taglay ng salita ng Diyos ang kapangyarihan ng Diyos na nagsalita, At Kapag sinalita ng Diyos ay tiyak na matutupad;

Isaias 46:11 Na tumatawag ng ibong mangdadagit mula sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin.

John 1:14 - "At nagkatawang-tao ang Verbo,..."

Pinaniniwalang si Cristo ay Dios na nagkatawang tao, dahil sa sinasabi ng talatang Juan 1:14. Ayon sa kanilang paniniwala, si Jesucristo ay may dalawang likas na kalagayan; isang totoong tao at isang totoong Dios. Ang ganitong paniniwala ay isang malaking pagkakamali, una sa lahat ay hindi sinabi ng talata na ang Dios ay nagkatawang tao kundi ang Verboo ang salita at ito ay si Cristo na pasimula ay isinalita ng Dios. Samakatuwid ay natupad ang salita ng Diyos o pangako ng Diyos na magkakaroon ng Cristo ng ito ay isakatuparan sa pamamagitan ng pagkasangkapan kay Maria:

Mateo 1:18,20 " Ang pagkapanganak nga kay Jesucristo ay ganito: nang si Maria na kaniyang ina ay magaasawa kay Jose, bago sila magsama ay nasumpungang siya'y nagdadalang tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ...Datapuwa't samantalang pinag-iisip niya ito, narito ang isang anghel ng panginoon ay nagpakita sa kaniya sa panaginip, na nagsasabi: Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka't ang kaniyang dinadalang tao ay sa Espiritu Santo."

Ang Diyos ba na nagsalita o ang kinaroroonan ng salita ang nagkatawang-tao gaya ng ibinibigay na pakahulugan ng iba? Hindi po. Sapagkat ang nakasulat sa Juan 1:14 ay maliwanag: na " nagkatawang-tao ang salita (NPV) Walang sinabi sa talata na ang Diyos na nagsalita ang nagkatawang tao!. Kaya sa King James Version ang pagkakasalin ay ganito ;

" and the word was made Flesh'' ( at ang salita ay ginawang laman).

Bakit po ba hindi maaring ang Dios ang magkatawang tao? Sapagkat ang Dios ay hindi pumapayag na siya ay Dios at tao sa kalagayan;

Oseas 11:9 Hindi ko isasagawa ang kabangisan ng aking galit, hindi ako babalik upang ipahamak ang Ephraim: sapagka't ako'y Dios, at hindi tao; ang Banal sa gitna mo; at hindi ako paroroon na may galit."

At ang tao ay hindi pwedeng maging Diyos!

Ezekiel 28:9 Sabihin mo pa kaya sa harap niya na pumapatay sa iyo, Ako'y Dios? nguni't ikaw ay tao, at hindi Dios, sa kamay niya na sumusugat sa iyo".

At ang Dios ay espiritu(Juan 4:24), ibig sabihin ay walang laman, dugo at buto na siyang taglay ng ating Panginoong Jesucristo;

Lucas 24:39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin".

Labag din ito sa aral ng Biblia sapagkat ang Diyos ay di magbabago ni may anino man ng pag-iiba:

Malakias 3:6 Sapagka't ako, ang Panginoon, ay hindi nababago, kaya't kayo, Oh mga anak na lalake ni Jacob ay hindi nangauubos.

Santiago, 1:17 - Ang bawa't mabuting kaloob at ang bawa't sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na bumababa mula sa Ama ng mga ilaw, na walang pagbabago, ni kahit anino man ng pagiiba.


Kaya kung ating tatanungin ang ating panginoong Jesucristo, ano po ba ang kanyang pagpapakilala sa kanyang sarili?

Juan, 8:40 - Datapuwa't ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo'y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios: ito'y hindi ginawa ni Abraham.


Maging ang Panginoong Jesus ang nagsasabi na sya ay tao na nagsasaysay ng katotohanan na kanyang narinig sa Dios. Magkaiba po ang Dios na napakinggan ng Taong Si Cristo.

Napatunayan po natin na nagkamali ng pagkaunawa sa Juan 1:1,14 ang mga gumagamit ng talatang ito upang patunayan na ang panginoong Jesucristo diumano ay Diyos na nagkatawang tao. Labag sa aral ng Biblia ang paniniwalang ang Diyos ay nagkatawang-tao. Labag din sa aral ng Biblia ang paniniwalang si Cristo ay Diyos na totoo at tao pang totoo. Ang Ama ang kaisa-isang tunay na Diyos at ang Panginoong Jesucristo ay isinugo ng Diyos, ito po ang tamang pagkakilala sa Dios at kay Cristo na ikapagtatamo ng Buhay na walang hanggan:

Juan 17:1,3  (Salita ng Buhay)-

" Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak. At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo."


Thanks.....


No comments:

Post a Comment